Kay dami ng nais kong iparating…
Kay dami ng gusto kong iparinig…
Ngunit alam kong may masasaktan ako…
Na lalo lamang hindi ikatatahimik ng kalooban ko.
Nais kong ilabas lahat ng sama ng loob ko
Gusto kong sumigaw, at ihiyaw ang galit ko
Nais kong magwala ngunit ako’y nangangamba
Baka pagkatapos ng lahat ng ito’y hindi na nila ako makilala.
Napakaraming tanong ang gusto kong malinawan
Ngunit pagkakataon ay ayaw akong pagkalooban
Napakaraming hinanakit ang aking nais na kalimutan
Kaya’t ang kalooba’y naghahangad ng kapayapaan.
Saan ko nga ba matatagpuan ang kapayapaang hinahangad?
Saan ako dapat tumungo upang ang hapdi ay maibsan?
Nais ko nang lumaya sa kalungkutan at paghihirap ng kalooban…
Nais ko nang makamtan ang walang hanggang kaligayahan.
Leonelen Domingo San Juan
Marso 26, 2010/1:30 a.m./Biyernes
St. Andrew’s Seminary, Quezon City
Ang tulang ito ay patungkol sa saloobin ng manunulat. Kapayapaan ng Kalooban at
Kaligayahan ay nais niyang makamtan. Sa kanyang mga pinagdaanang mga pagsubok,
ang kanyang puso at isipan ay puno na ng pagdaramdam. Ngunit hindi siya
makahanap ng paraan upang ang mga ito’y kanyang malampasan. Kaya’t tanging mga
katanungan na lamang ang namamayani sa kanyang patuloy na pagharap sa buhay.
Friday, April 16, 2021
Hangad Ko’y Kapayapaan at Kaligayahan (ni L.D. San Juan)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment