Wednesday, December 12, 2007

Tugon - Pasasalamat sa Inyong Pakikiramay (by L.D.San Juan)

Nasaksihan namin ang mga hirap na pinagdaanan niya mula noong ika – 17 ng Setyembre. Naranasan niya ang pagtaas at pagbaba ng kanyang sugar, ang ilang beses na nasalinan ng dugo, ang may nakakabit na dextrose sa loob ng ilang linggo, at ang pananatiling may oxygen sa loob ng 24 na oras.

At noon ngang ika – 27 ng Nobyembre, ay naganap ang isang malungkot na pangyayari, ang pagpanaw sa mundong ating kinalakhan.

Dahil dito, ilang mahahalagang bagay ang naglalaro sa aking isip, o maaaring sa mga taong naririto’y nananahan din ang mga katotohanang ito...

Ang makasaysayan niyang buhay ay natapos na.
Ang makabuluhan niyang paglilingkod ay isa na lamang alaala.
Ang kanyang mga aral, pag – aalaga at pagmamahal ay mananatili sa ating mga gunita.
Sapagkat sa mga oras na ito, siya’y kapiling na ng ating Ama.

Masaya na siya sa lugar, kung saan siya ngayon ay naninirahan na. Masaya na siya sa piling ng ating Panginoong lumikha. Ngunit hindi natin maikakaila na sa kanyang pagkawala, ay naiwan ang aming pamilya na puno ng lumbay. Lumbay sa pagkawala ng isang mabuting ina, kapatid, pinsan, tiya at lola.

At kayong mga naririto ngayon, kayong aming mga kamag – anak at kaibigan, katulong namin kayo sa pagpapatunay na ang aming kapamilya na si Elena Domingo, ay isang taong maipagmamalaki at dapat tularan. Lalung - lalo na sa usapin ng paglilingkod sa ating simbahan, at pagpapahalaga sa kanyang pamilya.

Kaya’t mula po sa aming pamilya, Patag at Domingo, ay lubos po kaming nagpapasalamat sa mga tulong at suporta na inyong ibinigay at ipinakita sa amin, sa alinmang kaparaanan, pinansiyal, moral at ispirituwal, mula pa noon sa kanyang pagkakasakit hanggang sa pagkakataong ito, ang huling pagkakataon na makikita at makakapiling natin siya.

Muli, marami pong salamat sa inyong lahat at nawa’y tayo ang magpatuloy ng kanyang mga nasimulan, ang paglilingkod ng buong puso sa Diyos at sa ating kapwa.

No comments: